BAGUIO CITY – Plano ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang magtayo ng anim na strawberry production facility sa lungsod.
Ayon kay City Veterinary and Agriculture Office (CVAO) Head Dr. Brigit Piok, bahagi ito ng pagkilos ng lokal na pamahalaan para manatiling maunlad ang ekonomiya ng siyudad kasabay ng pinaghahandaang “new normal”.
Una nang ipinag-utos ni Mayor Benjamin Magalong ang pagpinal sa mga plano hinggil sa pagtayo ng mga mini greenhouses para sa pagtatanim ng mga strawberry sa Baguio City.
Planong itayo ang mga taniman ng strawberry sa Middle Rock Quarry, Loakan Apugan, Minesview, Lower Dagsian, Bakakeng Norte at Sur, at Slaughter Compound-Sto Nino.
Mayroong training component ang proyekto at magbibigay ang supplier ng mga impormasyon tungkol sa teknolohiyang gagamitin sa pagpapatubo sa mga strawberry.
Magsisilbi ang mga pasilidad bilang learning site hinggil sa strawberry urban farming at pangunahing makikibahagi sa proyekto ang mga kabataan sa pangunguna ng Sangguniang Kabataan (SK).