CENTRAL MINDANAO-Suporta at itaas ang morale ng mga medical front liners ang dahilan ng paglulunsad ng City Government of Kidapawan ng Stress Debriefing and Management training activity simula Hunyo 14 hanggang 27, 2021.
Aminado ang Lokal na Pamahalaan na tumataas ang level ng stress sa mga frontliners na nakikipaglaban sa Covid19 mahigit isang taon na ang nakakalipas at nagpapatuloy pa sa kasalukuyan.
Ito ang pamamaraan ng City Government na matulungan ang mga medical front liners na mabigyan ng pagkakataon na makapagpahinga at maibsan ang hirap na kanilang dinanas simula pa noong March 2020.
Bilang suporta, dumalo mismo sa unang araw ng aktibidad si City Mayor Joseph Evangelista at personal na kinumusta ang mga medical front liners na nagmula naman sa Kidapawan City Hospital.
Maliban kasi na direkta nilang nakakasalamuha ang marami sa mga pasyente ng Covid, malaki din ang tsansa na malagay sa alanganin ang buhay ng mga frontliners bagay na nagreresulta ng mataas na stress level sa kanila sa panahon ng pandemya, ani pa ni Mayor Evangelista.
Inimbitahan bilang Resource Speaker ng aktibidad si Framer Cristy P. Mella, President ng Spottswood Philippine Methodist College sa Kidapawan City.
Bilang isang psychologist, tama lamang na magkaroon ng avenue ang mga front liners na makalimutan pansamantala ang kanilang suliranin sa pagganap ng tungkulin sa paglaban sa Covid 19, ayon kay Mella.
Pinuri din niya ang City Government sa inisyatibo nito na gawin ang training para na rin sa kapakanan ng mga front liners at masegurong epektibo at episyente ang pagbibigay serbisyo sa kabila ng hirap na dinaranas ng lahat dahil sa epekto ng pandemya.
Nagbigay siya ng mga visual at cognitive exercises sa kasagsagan ng training para matulungang makaagapay at maging matatag ang mga front liners sa hamon na dala ng kanilang trabaho.
Ginanap ang nabanggit na stress debriefing and management training sa FCGD Garden Hall sa Barangay Binoligan, Kidapawan City.
Facilitator ng aktibidad si City Human Resource and Management Office Head Magdalena C. Bernabe at ilan sa kanyang mga kawani kung saan target nito na ang lahat ng 177 na mga medical front liners ng City Government na makalahok sa training.