-- Advertisements --

ROXAS CITY – Mistulang naging ghost town ang lalawigan ng Capiz matapos na ipinatupad ang curfew hours na nagsimula nang alas-8:00 hanggang alas 5 nitong umaga.

Alinsunod ito sa implementing guidelines ng Memorandum Order No. 11, series of 2020 ni Capiz Governor Esteban Evan “Nonoy” Contreras upang maiwasan na makapasok sa lalawigan ang Coronavirus Disease (COVID-19).

Sa pag-iikot ng Bombo Radyo News Team sa lungsod bago ang nakatakdang oras ng curfew, nakita na madalang na lamang ang mga sasakyan at motorsiklo sa kalsada.

Liban dito, ilan sa mga commercial establishments katulad na lamang ng mga malls, grocery stores, restaurants at mga gasoline stations sa lalawigan ay maagang nagsara.

Halos wala na ring nakitang tao sa ilang pasyalan tulad na lamang ng Roxas City Public Plaza, Baybay Beach at iba’t-iba pang pasyalan sa lalawigan.

Sakop sa ipinatutupad na curfew hours ang mga residente sa lalawigan maliban lamang sa mga law enforcers; persons on emergency health situations na kinakailangan ng medical attention; government and private employees kabilang na ang mga health workers; mga nag-dedeliver ng goods at services; at mga nagtatrabaho sa BPO’s basta’t ma-comply lang nila ang mga requirements na hinihingi ng mga otoridad.

Samantala, kasabay ng curfew hours makikita rin ang mga otoridad na nakabantay sa mga border checkpoints upang masiguro ang seguridad at malaman ang mga lumalabas-pasok na mga pasahero mula sa iba’t-ibang lugar para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID19).

Kabilang na dito ang paglagay ng thermal gun scanners sa mga lugar kung saan papasok ang publiko patungo sa naturang mga lugar upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng naturang virus.