-- Advertisements --

Naniniwala si Cabinet Secretary Karlo Nograles na posibleng nag-ugat sa matinding reserbasyon ni Senate President Vicente Sotto III sa proposed 2019 national budget ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na pag-veto sa buong budget bill.

Sinabi ni Sec. Nograles, may kondisyon ang naging pagpirma ni Sen. Sotto sa national budget bago isinumite sa Office of the President (OP) kaya nakaapekto ito sa pagtingin ni Pangulong Duterte sa panukalang batas.

Ayon kay Sec. Nograles, ito ngayon ang concern na binubusisi ng buong tanggapan ng pangulo para malaman kung mayroong iligal sa enrolled copy ng national budget.

Ngayong linggo raw nila ipiprisinta kay Pangulong Duterte ang summary ng mga nabago sa budget bil mula ng hain nila sa Kongreso hanggang maipasa at pagtibayin ng mga Congress leaders.

Magbibigay din daw sila ng posibleng opsyon para matulungan si Pangulong Duterte sa pag-apruba sa national budget.