Agad magsasagawa ng structural integrity test ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga pampublikong istraktura na nakitaan ng mga bitak dahil sa 6.6 magnitude na lindol sa Cotabato at mga karatig na lugar.
Ayon kay DPWH Sec. Mark Villar, layunin nitong matiyak na nasa maayos ang kondisyon ng mga gusali, bago payagang maokupa ng mga tao, lalo na ang mga paaralan, ospital at government offices.
Sinabi ni Villar na makakatuwang nila ang local engineering offices ng mga lokal na pamahalaan.
Hinimok din nito ang publiko na agad mag-report sa kanilang tanggapan kung makakakita ng bitak sa mga istraktura, upang agad itong masuri kung ligtas pang tirhan o lapitan man lang.
Nabatid na may mga residenteng ayaw nang umuwi sa kanilang bahay at mas gusto munang manatili sa mga tent, habang hindi pa humuhupa ang malalakas na aftershocks.
Samantala, sa ulat naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), sinabi ng kanilang spokesman na si Eric Apolonio na walang naitalang pinsala sa mga runway ng GenSan, Butuan at Davao na mga nakaranas ng malakas na lindol.