-- Advertisements --

Ngayong humihigpit ang labanan ng mga nagnanais para maging Speaker ng Kamara sa 18th Congress, nanawagan si Leyte Representative-elect Martin Romualdez sa kanyang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan na suportahan ang structural reforms ng Duterte administration para matiyak ang paglago ng ekonomiya ng bansa.

Sinabi ni Romualdez na mahalagang tungkulin ang kanilang kakaharapin sa pagbubukas ng 18th Congress kabilang na ang pagsusulong ng mga economic legislations na kakailanganin para mapanatili ang mataas na productivity growth.

Naglabas na aniya si Pangulong Rodrigo Duterte ng marching orders hinggil dito at kailangan itong sundin ng mga mambabatas upang makamit ang inaasam na pagiging isang middle-class country na walang bahid ng kahirapan pagsapit ng 2040.

“The way I see it, we need to focus more on institutionalising reforms that will encourage the influx of more investments, the creation of more jobs, improvement in human capital investment, and the building of better infrastructure,” ani Romualdez.

Kasabay nito ay umaapela si Romualdez, presidente ng Philippine Constitution Association at Lakas-Christian Muslim Democrats, sa mga kapwa niya mambabatas na ikonsidera bilang urgent task ang approval ng mga mahahalagang legislative measures na magbabago sa aniya’y “restrictive” at “less competitive” na mga economic policies.

Si Romualdez ay isa lamang sa mga nagnanais na maging susunod na Speaker ng Kamara, kabilang na sina Taguig Representative-elect Alan Peter Cayetano, dating Speaker Pantaleon Alvarez at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.