Inanunsyo ni United States President Joe Biden na tanging ang mga indibidwal lang na nakakumpleto ng kanilang pagbabakuna ang maaaring lumabas kahit hindi na magsuot ng face masks.
Sa naging talumpati ng Democratic president, tinawag niyang “stunning progress” para sa Amerika ang bagong guidance na ito mula sa Centers for Disease Control and Prevention.
Binigyang-diin din ni Biden na ilang aktibidad ang mas ligtas na gawin kaysa sa iba subalit kailangan pa rin sundin ang desisyon ng CDC dahil base ito sa agham.
Ginawa aniya ng CDC ang hakbang na ito dahil naniniwala ang mga siyentipiko sa kanilang hawak na datos na mababa na ang infection rate ng COVID-19 sa Amerika lalo na para sa mga tao na kumpleto ang bakuna at nasa labas ng kanilang mga bahay.
Hindi rin nagpahuli si Biden na gamitin ang bagong patakaran na ito para hikayatin ang iba pang Amerikano na hindi pa nagpapabakuna, aniya ito lang daw ang tanging paraan para mas marami pang bagay ang kanilang magawa sa labas.
“The bottom line is clear, if you’re vaccinated you can do more things, more safely, both outdoors as well as indoors,” saad ni Biden. “So for those who haven’t gotten their vaccination yet, especially if you’re younger, or think you don’t need it, this is another great reason to go get vaccinated now.”
Isa na rito ang pakiramdam na tila bumalik na sa dati ang normal na pamumuhay ng lahat.