-- Advertisements --
Rep Danilo Suarez
Rep Danilo Alvarez/ FB post

Aminado si House Minority leader Rep. Danilo Suarez na kritikal para sa 2022 presidential elections ang paghalal ng susunod na speaker ng Kamara sa pagbubukas ng 18th Congress.

Ayon kay Suarez, malaki ang papel na gagapampanan ng susunod na lider ng mababang kapulungan sa magiging kapalaran ng mga tatakbo bilang presidente kapag bumaba na sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Napaka-critical ng speakership sa 2022 elections. Doon sa mga political aspirants na tatakbo bilang pangulo sa 2022, very sensitive ‘yang speaker ng House. We can somewhat analyze kung sino mga potentials sa 2022, yung polarization ng House will be factor,” ani Suarez.

“I’m not saying it’s an edge, pero it is a big factor. Kahit sino doon sa apat sa aspirant makakatulong sa tatakbo sa 2022.”

Nitong araw nang ibunyag ni dating Speaker at re-elected Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na nagkaka-gapangan na sa mga kongresista ngayon para sa posisyon ng susunod na House Speaker.

Ani Alvarez, sinimulan ng manligaw ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa lahat ng kongresista sa pamamagitan ng paglalaan ng tig-P1-milyon para sa bawat isang boto.

Gayunpaman, tikom pa ang hanay ng inaakusahang mambabatas.

Sa ngayon wala pa raw natatanggap na ulat ang Makabayan bloc hinggil sa pag-amin ni Alvarez, pero giit ng mga mambabatas tiyak na madudungisan nito ang integridad ng Kamara sakaling mapatunayan na nagkabayaran para sa trono ng House Speaker.

“Kung kami ang tatanungin, wala pa kaming personal na karanasan at this point. Palagay kung saan yun nakuha ni dating speaker Bebot (Alvarez) siguro may batayan siya, pero kung kami, walang isa sa amin ang may gano’ng personal experience,” ani Gabriela Rep. Emmie De Jesus.

“Kung totoo man it will paint a very questionable integrity of the House. If its true, it will affect the integrity, credibility of the House,” ani Anakpawis Rep. Ariel Casilao.