Sumuko ang isang sub-leader ng Maute-ISIS terrorist group sa mga tropa ng 103rd Brigade ng Philippine Army sa Kampo Ranao, Marawi City.
Ang grupo ng Maute-ISIS ang siyang nanguna sa Marawi Siege noong taong 2017.
Ayon kay AFP Western Mindanao Command Spoksperson Major Arvin Encinas ang sumukong sub-leader ng Maute group ay kinilalang si Abdullah Lumzed Arumpac, alyas Afghan na sumuko nitong July 14.
Isinuko rin ni Abdullah ang kanyang Caliber 5.56mm AR15 M16A1 Rifle na may isang short magazine at 20 rounds of ammunition sa mga sundalo.
Ayon naman kay 103rd Brigade Commander Col. Jose Maria Cuerpo II, si Arumpac ay sangkot rin sa engkwentro noong 2015 sa Sandab Butig at Ragayan Poona Bayabao na kanyang ikinasugat at ikinamatay ng kanyang tatlong kasamahan.
Natuwa naman ang militar sa naging desisyon ni Afghan na makiiisa sa layunin ng gobyerno na magkaroon na nang pang matagalang kapayapaan sa Mindanao.
Sa ngayon nanatili sa kustodiya ng mga sundalo ang sumukong terorista.