CAGAYAN DE ORO CITY – Iminungkahi ng mga opisyal ng Cagayan de Oro na i-lockdown ang Alwana subdivision sa may Barangay Cugman nitong lungsod.
Ito’y matapos lumabas ang report na maraming Chinese national ang nakatira sa nasabing lugar ang pinaniniwalaang nanggaling daw sa Wuhan, China.
Sinabi ni City Councilor George Goking, chairman ng Committee on Trade and Commerce, maraming alegasyon ang kaniyang natanggap at naniniwala siya na magkakaroon ito nang kapatagan sa mga residente sa pamamagitan ng pagpapatupad ng lockdown upang mabigyan ng mas mahabang oras na maipagtanggol ang kanilang sarili.
Dahil dito, inindorso ni Goking sa task force novel coronavirus ang nasabing plano.
Una nito, umakyat na sa lima ang isinailalim sa person under investigation (PUI) matapos nakitaan ng mga sintoma sa novel coronavirus sa lungsod.
Ngunit sa nasabing bilang, dalawa nito ang nagnegatibo habang hinihintay pa ang resulta ng laboratory tests sa mga samples na ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at sa tatlong iba pa.