POLOMOLOK, SOUTH COTABATO – Patay ang anim na mga suspek na umano’y mga miyembro nang tinaguriang Dawlah Islamiyah-Ansar Khilafa Philippines-Maguid Remnants terror group matapos ang isinagawang law enforcement operation sa bahagi ng Prk. 6, Brgy. Koronadal Proper, Polomolok, South Cotabato pasado alas-5:00 kaninang umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay South Cotabato Provincial director Col. Jemuel Siason, inihayag nitong isisilbi sana ang dalawang arrest warrant sa kasong murder laban kay Arafat Bulacon alyas Mula na sub-leader ng naturang grupo at lima pang mga suspetsado ngunit nanlaban daw ang mga suspek nagresulta sa palitan ng putok sa magkabilang panig.
Maliban sa mga nasawi, dalawang kasapi ng PNP-Special Action Force ang sugatan at kasalukuyang ginagamot na sa ospital.
Ibinunyag ni Siason na si Bulacon alyas Mula ang papalit sana sa kay Geoffrey Nilong na lider ng grupo na napatay sa unang checkpoint operation sa bayan ng Surallah, South Cotabato.
Nakuha sa crime scene ang 5.56 M4 rifle, dalawang 12-gauge shotgun, dalawang caliber .38 revolver, isang 5.56 pistol, isang IED at isang ISIS flag.
Si Bulacon umano ang responsable sa General Santos City bombing noong 2018.
Nabatid na mga high value target ang mga suspek kung saan sangkot ang mga ito sa robbery, extortion, pamomomba at pagbaril-patay sa ilang mga kasapi ng mga kapulisan noong nakaraang mga buwan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang pagkilala ng mga otoridad sa lima pang nasawing mga suspek.
Ang nasabing operasyon ay isinagawa ng joint forces ng 5th Special Forces Batallion, 4th Special Batallion, 6th Infantry Division at pulisya.