Inanunsyo ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes na naglabas na sila ng subpoena laban sa kasintahan ni vlogger at DJ Jellie Aw na si Jam Ignacio kaugnay ng mga paratang nito na umano’y pambubugbog.
Kinumpirma ni NBI Director Jaime Santiago ang balita at sinabi, ‘Nagpadala na tayo ng subpoena. Na-receive na ng bata at pinapapunta namin siya dito. Inimbitahan namin siya dumating dito sa Huwebes.’
Dagdag pa ni Santiago na kung hindi makadalo ang kasintahan ni Aw, magpapatuloy sila sa kanilang imbestigasyon at magsasampa ng mga kaukulang kaso.
‘Kung hindi siya darating ng Huwebes, magpapatuloy kami sa imbestigasyon at magsasampa ng mga angkop na kaso laban sa kanya,’ ani Santiago.
Maaalala na noong nakaraang Huwebes, Pebrero 13, nagsampa ng reklamo si Aw sa NBI laban sa kanyang kasintahan dahil sa umano’y pang-aabuso matapos kumalat online ang isang larawan ng kanyang duguan at mga pasa sa mukha dulot ng umano’y pambubugbog.
Sa isang pahayag, sinabi ni Aw na handa siyang patawarin ang kanyang kasintahan ngunit nais niyang managot ito para sa kanyang ginawa.
Ikinuwento pa ni Aw ang pang-aabuso, na ayon sa kanya, nangyari habang sila ay nasa expressway noong nakaraang Miyerkules. Sinabi niya na hinila ng kanyang kasintahan ang kanyang buhok habang nagmamaneho ito, at suntuk-suntukin na nagdulot naman ng pasa at duguan nitong mata. Nagkaroon din siya ng sira sa ngipin at pasa sa labi.
Nagkaroon na lang umano si Aw ng pagkakataon na humingi ng tulong nang makarating sila sa Angeles, Pampanga, nang hindi umangat ang barrier, kaya siya nakatakbo papalabas ng sasakyan.
Samantala patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng NBI habang naghahanap si Aw ng hustisya sa ginawa ng dating Fiancée.