Mariing itinanggi ni PNP chief PDGen. Ronald Dela Rosa ang akusasyon na ang pagbibigay ng subpoena powers sa PNP ay paghahanda para sa umano’y pagpapatupad ng nationwide martial law.
Ayon kay Dela Rosa, walang basehan ang naturang alegasyon dahil dati nang may subpoena power ang mga pulis noong panahon ng Philippine Constabulary-Integrated National Police, at ito ay binalik lang pagkatapos na alisin kasunod ng pagtatag sa PNP.
Kasabay nito binigyang-diin ng PNP chief na ang hakbang ay hindi magreresulta sa mga warrantless arrests.
Paliwanag ng heneral, hindi pwedeng tumuloy sa pag-aresto ang pag-isyu ng subpoena ng PNP.
Hindi aniya ito katulad ng kapangyarihan ng Kongreso na puwedeng ipaaresto ang mga sumuway sa subpoena dahil sa indirect contempt.
Kung mayroon aniyang lumabag sa subpoena ng PNP, kailangan pa nilang idulog ito sa korte para maisyuhan ng warrant bago hulihin ang isang ipina-subpoena na subject.