Umakyat ng 56% ang naibigay na subsidiya sa mga government-owned and -controlled corporations(GOCC) hanggang nitong pagtatapos ng April, 2024.
Batay sa report ng Bureau of the Treasury (BTr), umabot sa P47.31 billion ang naibigay na subsidiya ng pamahalaan sa mga ito, mas mataas kumpara sa P30.27 billion na naitala noong nakalipas na taon.
Natanggap ng National Irrigation Administration (NIA) ang pinakamalaking subsidiya na umabot sa P21.74 billion.
Pangalawang may pinakamalaking natanggap na subsidiya ay ang Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) na umabot sa P8 billion; sunod ang National Housing Authority (NHA) – P3.75 billion; National Food Authority na umabot sa P2.25 billion at ang National Electrification Administration – P2.09 billion.
Sa kabuuan ng Abril, nakatanggap ang mga GOCC ng hanggang P27.72 billion na malayong mas mataas kumpara sa P8.96 billion noong April 2023.