Pinaburan ng Korte Suprema ang petisyon ng isang vice mayor aspirant sa Limay, Bataan para maging substitute sa papalapit na 2025 midterm elections.
Kinatigan ng SC en banc ang petisyon ni Marie Grace David habang pinagbabawalan naman nito ang poll body na ipatupad ang kanilang naunang resolution at iba pang issuances noong Enero ng taong ito.
Si Marie Grace David ay naghain ng kanyang COC and Certificate of Nomination and Acceptance noong December 2024 matapos ang naging nominasyon sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas bilang kapalit ni Richie Jason David.
Naghain rin ito ng petition for substitution and inclusion sa opisyal na listahan ng mga kandidato sa balota sa naturang komisyon sa nasabing panahon.
Batay sa naging unang desisyon ng poll body, iginiit nito na lumagpas na sa itinakdang deadline ang kanyang paghahain ng COC at CONA.
Ayon naman sa SC, ang desisyon ng Comelec ay nagpapakita ng grave abuse of discretion dahil sa hindi nito pagpayag sa pagkakaroon ng substitution.