Pormal nang lumagda sa isang power-sharing deal ang main opposition coalition ng Sudan at ang ruling military council, na magbibigay-daan sa paglilipat ng gobyerno sa kamay ng mga sibilyan.
Pinirmahan ang makasaysayang kasunduan nitong Sabado sa kabisera ng bansa na Khartoum matapos ang mahaba at masalimuot na mga negosasyon kasunod ng pagpapatalsik kay President Omar al-Bashir.
Sa ilalim ng agreement, pamumunuan ng isang military leader ang 11-member council sa unang 21 buwan, na susundan ng isang civilian leader sa sunod na 18.
Itatatag din nito ang isang gabinete na kung saan ang mga miyembro ay itatalaga ng mga aktibista at ng legislative body.
Kabilang din sa sovereign council ng Sudan sina TMC head Abdel Fattah al-Burhan, at ang deputy Dagalo at Lieutenant General Yasser Al-Atta.
Sang-ayon sa power-sharing agreement, maaaring isama ng konseho ang limang miyembrong pinili ng TMC, lima mula sa main opposition coalition, at isa na napagkasunduan ng magkaparehong panig.
Kasama rin sa kasunduan ang paglulunsad ng independent investigation sa crackdown sa mga ralyista ng mga security forces.
Nitong Hunyo nang marahas na tinaboy ng mga tropa ang demonstrador sa labas ng military headquarters sa Khartoum, kung saan napatay ang dose-dosenang indibidwal.
Lumagda sa deal sina Mohamed Hamdan Dagalo, deputy chief ng Transitional Military Council (TMC) at Ahmed al-Rabie, na kumatawan sa Alliance for Freedom and Change umbrella group.
Dumalo rin sa seremonya ang ilang mga heads of states, prime ministers at dignitaries mula sa ilang mga bansa, gaya nina Ethiopian Prime Minister Abiy Ahmed at South Sudanese President Salva Kiir. (Al Jazeera)