BAGUIO CITY – Nakatakdang maipa-deport pabalik sa Sudan ang isang dayuhan habang nakakulong na ang kasama nito matapos nilang gahasain ang 19-anyos na dalaga sa lungsod ng Baguio at kunan ng mga larawan at videos ang insidente.
Nakilala ang dayuhan na si Mohammed Noreldyne Ahmed Osman, 26, habang nakilala ang Pinoy na kasama nitong si Verniteo Alfonso Rieza alias Noynoy, 24.
Ayon sa Baguio City Police Office, inimbitahan ng mga suspek sa kanilang bahay ang biktima at dalawang lalaking kaibigan nito para mag-inuman.
Nagtungo umano ang biktima sa isang silid para matulog ng makaramdam na ito ng pagkalasing.
Gayunman, sinundan ito ng mga suspek at doon siya ginahasa.
Ayon sa pulisya, kinuhanan ng dayuhan na si Osman ng mga larawan at videos ang paggahasa nila sa biktima.
Narinig naman ng mga kaibigan ng biktima ang pagpapasaklolo nito sa loob ng silid kaya agad silang pumasok doon at iniligtas ang biktima.
Agad ding nagreport sa mga pulis ang mga kaibigan ng biktima na nagresulta sa pagkahuli ng mga suspek.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong panggagahasa at paglabag sa RA 9995 o ng Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.
Kulong na ngayon sa Baguio City Jail ang Pinoy na suspek habang dinala sa Bureau of Immigration sa Quezon City si Osman para sa deportation nito.