Parehong kapalaran ang sinapit nina dating Interior and Local Government Secretary Ismael “Mike†Sueno at dating NIA chief Peter Laviña na sinibak sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag ni Sueno sa isinagawang send off ceremony sa kalihim kanina.
Sa panayam kay Sueno kaniyang sinabi na ang nangyaring pagkakasibak sa kaniya sa pwesto ay walang pagkakaiba sa nangyari kay Laviña na tinanggal sa pwesto dahil sa mga hinalang korapsyon.
Nanindigan si Sueno na hindi siya corrupt na opisyal, malinis ang kaniyang konsensiya at wala siyang ginagawang masama.
Aminado ang kalihim na apektado siya at ang kaniyang pamilya sa nangyayari ngayon sa kaniya.
Sa ngayon aniya ay humuhugot na lamang siya ng inspirasyon sa Panginoon upang labanan ang mga kinakaharap na pagsubok.
Kaniya din sinabi na kahit sinibak siya sa pwesto ni Pangulong Duterte mananatili ang kaniyang loyalty sa pangulo.
Samantala, sinabi ni Sueno na kaniya ng pinapatawad ang mga indibidwal na nagdawit sa kaniya sa umano’y katiwalian.
Emosyunal si Sueno sa isinagawang send-off ceremony sa kaniya kanina.