ILOILO CITY – Nanawagan ang mga sugar farmers sa mga mga congressmen at senador na gumawa ng kanilang stand upang mabigyan ng proteksyon ang mga sugar producers at consumers.
Ito ay sa kabila ng isinusulong ni Senator Risa Hontiveros na imbestigahan ang pagpasok ng 260 containers ng asukal mula sa Thailand bago pa man ang date of entry na nakasulat sa Sugar Order No. 6.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo Third District Board Member Matt Palabrica na isa ring sugar farmer, sinabi nito na mas maganda kung may marinig sila mula sa mga lawmakers na mag-e-expose ng mga problema at makagawa ng konkreto, permanente at sustainable solution upang masuportahan ang agriculture sector at ang sugar industry.
Aniya, hindi siya sang-ayon na importasyon ang agarang solusyon sa sinasabing shortage sa suplay ng anumang agricultural products.
Mas maganda ayon sa kanya na may plano, programa at proyekto na ibibigay sa mga farmers at hindi lang magreresulta sa importation.
Una nang sinabi ni Board Member Palabrica na parang ang gobyerno na mismo ang pumapatay sa mga sugar producers dahil sa pumapasok na mga produkto mula sa ibang bansa.