Pinuna ng grupo ng mga gumagawa ng asukal sa bansa ang mga merchants at retailers sa pananamantala umano sa mga consumers at pagtataas ng presyo ng asukal na dapat ay nasa P85 kada kilo lamang.
Ayon kay Manuel Lamata, presidente ng United Sugar Producers Federation, tinuligsa nito ang mga presyo ng asukal na pumapalo sa P110 hanggang P120.
Giit ni Lamata na ang local sugar ay nasa merkado na at mayroon ding imported sugar na nagsisimula ng dumating sa bansa kayat wala na dapat dahilan para magpataw ng sobra-sobrang presyo.
Sa kabila nito, kumpiyansa ang sugar producer group leader na manunumbalik ang presyo ng retail sugar sa dating P50 o P60 kada kilo.
Pagdating naman sa produksiyon, sinabi nito na ang pitong sugar mills ay nakapag-produced ng mahigit 200,000 metrikong tonelada kayat inaasahan na mas bababa pa ang presyo ng asukal kasabay ng pagsisimula ng harvest season.
Ayon naman sa Sugar Regulatory Administration, mula ng magumpisa ang crop year 2022-2023 tumaas ng 106,610 MT mula sa 59,805 MT ang raw sugar production. Habang ang total raw sugar supply ay nasa 239,959 MT na mas mababa naman kumpara noong nakalipas na taon dahil sa mababang carry-over stocks.
Giit naman ni Lamata na posibleng ginagamit na dahilan ng mga retailer ang mataas na presyo ng mga produktong petrolyo para maningil ng magpataw ng mataas na presyo.
Sa kabila nito, sinabi ni Lamata na naghanda na sila ng isang resolution para irekomenda ang presyo na aabot sa P75 hanggang P85 para sa price cap ng asukal kada kilo na isusumite sa pamahalaan at posibleng maipatupad sa Nobiyembre kung hindi pa rin bababa ang presyo ng mga asukal.