Iminungkahi ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na ibenta ang mga nasamsam na smuggled na asukal sa mga tindahan ng Kadiwa na pinamamahalaan ng Department of Agriculture (DA).
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na irerekomenda ni Sugar Regulatory Administration Administrator David Alba kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na siyang tumatayong kalihim ng Department of Agriculture na payagang ibenta sa publiko ang 80,000 bags ng asukal na nasamsam sa Batangas port noong nakaraang linggo sa pamamagitan ng Kadiwa Rolling Stores.
Kung matatandaan, nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Batangas ang isang marine vessel na may dalang 4,000 metric tons ng Thailand white refined sugar na may halagang P240 million at nakaimpake sa 80,000 bags.
Walang iprenisenta na notice of arrival nang dumating ang barko sa contiguous zone ng Pilipinas, ayon sa Bureau of Customs at wala ring import permit para sa asukal na nasamsam.
Sinabi din ng ahensya na gagawa ng rekomendasyon sa Pangulo na ibenta ang mga asukal na ito sa pamamagitan ng Kadiwa upang ang publiko ay masiyahan na makabili ng naturang produkto sa mas murang halaga.
Binalaan din ng pinuno ng Sugar Regulatory Administration ang mga trader na kasabwat ng mga smuggler na kanilang hahabulin at pananagutin ang mga sangkot sa nasabing insidente.