Posible umanong bababa ang produksyon ng sugarcane o tubo sa buong bansa, dahil sa epekto ng El Nino.
Ayon kay Administrator Pablo Luis Azcona ng Sugar Regulatory Administration (SRA), inaasahan nilang labis na maapektuhan ang paglaki ng mga pananim na tubo, dahil sa hindi lahat ng mga magsasaka sa bansa ay may maayos na patubig.
Sa ilalim ng forecast ukol sa El Nino, 85% ng mga magtutubo sa bansa ang inaasahang mawawalan ng supply ng tubig.
Nangangahulugan ito aniya ng pagbaba sa produksyon ng mula 10 hanggang sa 15%.
Ito ay katumbas ng 180,000 hanggang 200,000 metriko tonelada ng asukal o humigit kumulang 4 million na sako ng asukal.
Ayon pa kay Azcona, posibleng sa susunod na season na lamang makikita ang nasabing epekto.
Sa kasalukuyan, naniniwala ang opisyal na maganda ang sitwasyon ng Sugar Industry ng bansa, sa likod na rin ng mga naunang naitalang pagbaha sa mga probinsya na may mataas na produksyon ng mga tubo, katulad ng dalawang negros provinces.