-- Advertisements --

ILOILO CITY- Sugatan ang tatlong katao matapos sumabog ang tanggapan ng Regional Explosive Ordnance and Canine Unit sa loob ng compound ng Iloilo City Police office.

Ang mga sugatan ay sina Patrolwoman Shyrine Manuel, Fernando Sabidalas na lineman ng isang telecommunication company at John Mark Garcia.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Brigadier General Leo Francisco, regional director ng Police Regional Office VI, sinabi nito na nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa sanhi ng pagsabog ng tanggapan.

Ayon kay Francisco, inutasan na nito ang Criminal Investigation and Detection Group Region VI na siyasating mabuti ang nangyari.

Nagpasalamat rin ito na walang namatay at walang sumabog na turned over explosives.

Hihingi rin ito ng tulong sa national headquarters upang makapagpatayo ng hiwalay na tanggapan ang Explosive Ordnance and Canine Unit upang maiwasan na maulit pa ang naturang insidente.