-- Advertisements --

asgsub2

Arestado ang isang sugatang Abu Sayyaf member matapos makasagupa ng mga sundalong Army Special Forces ang teroristang grupo sa Patikul, Sulu.

Una rito, nasa pitong ASG members sa pangunguna ni ASG sub-leader Basaron Arok ang nakalaban kahapon ng grupo ni 2Lt Jhonny-Ric Bregonia ng 17th Special Forces Company kung saan umigting ang 10 minutong labanan.

Kinilala ni Lt. Bregonia ang nahuli at sugatang terorista na si Amah Ullah.

Ayon kay Bregonia, hindi naging madali sa kaniyang mga tropa ang pagkuha sa isang batikang ASG member na nagbanta pang puputukan ang mga sundalo.

Gayunpaman, ginamot pa rin ng mga sundalo ang sugat sa kaliwang binti ni Ullah.

Iniulat ng JTF Sulu, na isa sa mga nasugatan sa Patikul encounter si Lt Bregonia, matapos maka-recover sa sugat bumalik na ito sa kaniyang combat duty.

Kasalukuyang ginagamot naman sa Camp General Teodolfo Bautista Station Hospital si Ullah.

Sinasabing tiyuhin at adviser ni ASG sub-leader Basaron Arok si Ullah.

Pinuri naman ni JTF Sulu commander M/Gen. William Gonzales ang matagumpay na operasyon ng mga tropa.