-- Advertisements --

DAVAO CITY – Umakyat na sa 11 katao ang naiulat na nasugatan matapos ang halos pagguho ng isang condominium sa lungsod ng Davao kasunod ng malakas na pagyanig nitong Huwebes ng umaga.

Samantala, nagpapatuloy pa rin ang search and rescue operation para sa mga posibleng natabunan ng gumuhong parte ng istraktura ng Ecoland Residence 4000.

Gumamit na ang rescue team unit ng Central 911 ng life-detecting aparatus makaraang magpakita ng mga signs of life ang ipinakalat na K-9 units mula sa isa sa mga silid sa second floor ng naturang gusali.

Nauna nang nagbabala ang lokal na pamahalaan na dapat lisanin na ng mga okupante ang gusali nang nagtamo ito ng mga bitak dahil sa lindol noong October 16.

Personal na ring binisita ang lugar ng magkakapatid na sina Mayor Sara Duterte-Carpio, Vice Mayor Baste at 1st District Rep. Pulong Duterte.

Kaagad namang nagpalabas si Mayor Sara ng kautusan tungkol sa suspension of class sa lahat ng mga antas simula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 4.