ISULAN, SULTAN KUDARAT – Nadagdagan pa ng isa ang sugatan sa pagsabog sa isang double decker bus ng Husky Tours habang nakaparking sa Isulan Integrated Public Terminal, along national highway, Brgy. Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat alas-12:20 kahapon ng tanghali.
Ito ang inihayag ni Police Col. Christopher Bermudez, provincial director ng Sultan Kudarat Police Provincial Office sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Bermudez, nadagdag sa mga biktima si Analia Bagundang, 58, na residente ng PC Hill, Cotabato City habang patuloy naman na nagpapagaling ang 6 na iba pa na kinilalang sina:
- John Ruskin Dela Cruz, 15 anyos na residente ng Calumpang Gen San City
- Jeffrey Dela Cruz y Atentar 14 years old of Calumpang General Santos City
- Javiren Batican y Atentar,13 years old of Alabel Sarangani Province.
- Edgar Perez Cochoco 56 years old, of Malabang, Lanao del Sur
- Ramsiya Ibad Alilayah 60 years old of Apopong, General Santos City
- Nur Fatima Deocampong Maca-antao, 25 years old, Marawi City.
Inihayag ni Bermudez na gumamit ng cellphone detonating device ang mga salarin sa pagpapasabog kung saan nilagyan din ng mga ito ng pako na nagsilbing shrapnels ang eksplosibo na siyang tumama sa mga biktimang nasugatan.
Makikita sa video na wasak ang bahagi ng bagong Double decker Bus na may plate number na NCD 4383 at Body No. 7388 matapos na sumabog.
Isa sa mga tinitingnang suspek sa pagpapasabog ang isang kahina-hinalang lalaki na sumakay umano sa Shariff Aguak, Maguindanao at bumaba sa terminal.
Sa ngayon inaalam pa ng mga otoridad kung kaninong signature ang bombang sumabog at ang isa pang hindi sumabog na IED na narekober ng EOD team sa loob mismo ng bus.
Napag-alaman na bago ang pagsabog may natanggap na report ang pulisya na may pasasabugin umanong bomba ang mga terorista sa South Central Mindanao.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Bermudez sa publiko na maging vigilante, alerto at mapagmatyag sa paligid upang mapigilan ang anumang karahasan gaya ng nangyaring pagsabog.
Siniguro naman nito na mahuhuli ang mga salarin at mapasagot sa batas.