MOSCOW – Pumalo na sa 79 katao ang sugatan sa naganap na mga pagsabog sa explosives plant na Kristall sa na nasa bayan ng Dzerzhinsk, Russia.
Ayon sa Russian health ministry, 15 sa kabuuang bilang ng mga sugatan ay isinugod na sa mga ospital, na karamihan ay nagtamo ng fragment wounds.
Isa rin umano sa mga biktima, na isang babae, ay nagtamo ng malubhang injury.
Sinabi naman ng Russian agencies, nagdeklara na ng state of emergency ang mga local authorities sa Dzerzhinsk at sa tatlo pang katabing settlements.
Una rito, sinabi ng mga otoridad na narinig sa lahat ng sulok ng bayan ang serye ng mga pagsabog na naganap dakong tanghali nitong Sabado (local time).
Ang nasabing pagsabog din ay lumikha ng shock waves na tumama at nakasira sa mga bintana ng nasa 180 gusali.
Sa pahayag naman ng pamunuan ng Kristall plant, nasibak ang kanilang director isang araw bago ang pagsabog dahil sa paglabag sa industrial safety rules.
Sinisisi rin ang naturang dating opisyal sa pagsabog noong Abril na nakasira sa isang bahagi ng planta. (Reuters)