(Update) Umabot na sa 31 ang bilang ng mga pasaherong nasugatan sa banggaan ng dalawang bagon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa pagitan ng Cubao at Anonas stations nitong Sabado ng gabi.
Ang nasabing development ay kinumpirma ni Light Rail Transit Authority (LRTA) administrator Reynaldo Berroya.
Isinugod na rin umano ang mga biktima sa mga kalapit na pagamutan, gaya ng Quirino Memorial Medical Center at sa WCC Hospital.
Ani Berroya, sasagutin umano ng ahensya ang lahat ng mga gastusin sa pagpapagamot ng mga biktima.
Sinabi naman ni LRTA spokesperson Hernando Cabrera, nakatakda raw silang bumuo ng fact-finding commitee upang alamin kung bakit gumalaw ang dead train sa pocket track.
Si Berroya, kasama si Transportation Sec. Arthur Tugade, ay nagtungo sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center kung saan dinala ang ibang mga biktima.
Batay sa inisyal na impormasyon, bumangga umano ang isang tren sa nakahintong tren.
Sa pahayag naman ng ilang saksi, isang tren na puno na pasahero at patungong Santolan ang sumalpok sa isa pang tren na nakahimpil sa kaparehong riles.
Nahulog pa raw sa kalsada ang ilang debris mula sa tren.
Salaysay ng pasaherong si Ahya Lopez, tumilapon ang ilang mga pasahero sa gitnang bahagi ng sinasakyan nilang tren, at mayroon pa raw na mga tumama sa bakal.
Pansamantala rin daw na nawalan ng kuryente at nasa 30 minuto bago ang pagdating ng isa pang bagon.