BACOLOD CITY – Plano ng Philippine National Police (PNP)-Maritime Group na gawing rescue dog ang aso na kanilang nailigtas sa Taal Volcano Island.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Pat. Jonathan Sumagang, pinangalanang “Lucky” ang puting aso na nailigtas mula sa gilid ng isang bahay sa isla.
Ang aso ayon kay Sumagang ay nabaon sa abo hanggang sa kanyang leeg at hindi nadaanan ng ibang rescue teams na unang pumasok sa Taal Volcano Island.
Dahil walang dalang pala ang PNP-Maritime Group, nagtulong-tulong ang mga ito na hukayin ang abo gamit ang kanilang kamay upang mahatak ang aso at kaagad na mapakain.
Nagkasugat-sugat naman ang balat ni Lucky dahil mainit ang abo mula sa bulkang Taal.
Dinala na ng mga pulis sa isang beterinaryo ang aso upang matingnan ang kanyang kondisyon at maagang mabigyan ng lunas.
Umaasa naman si Patrolman Sumagang na makakaligtas si Lucky na nasa kanyang pangangalaga sa ngayon.
Ayon sa pulis, sasailalim sa training ang aso dahil gagawin itong rescue dog ng PNP unit.
Aniya, napakaswerte ng aso dahil buhay pa rin ito kahit ilang araw nang nakabaon sa abo at hindi nakakain.