LEGAZPI CITY- Matagumpay na na-rescue ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resource (BFAR) Bicol ang isang stripe dolphin na na-stranded sa baybayin ng Barcelona, Sorsogon.
Ayon kay Nonie Enolva, tagapagsalita ng BFAR Bicol sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakita ng mga residente sa lugar ang naturang dolphin na nasa tabing-dagat at may mga sugat sa katawan.
Agad namang sumaklolo ang mga kawani ng BFAR upang gamutin ang mga sugat ng dolphin na tini tingnang dahilan kaya’t hirap rin itong lumangoy patungo sa malalim na bahagi ng karagatan.
Pagbabahagi pa ni Enolva na matapos lamang ang ilang oras nang magbalik na ang lakas ng naturang dolphin kaya’t ibinalik na rin sa dagat.
Nabatid na madalas ang mga insidente ng stranding sa mga baybayin ng Bicol na umaabot ng walo hanggang 16 ang average sa bawat taon.
Patunay aniya ito na mayaman pa ang karagatan ng rehiyon kaya’t dinadayo ng mga marine animals.
Paalala naman ni Enolva sa mga mangingisda at mga residente na nakatira malapit sa shoreline na agad ipagbigay-alam ang mga kaparehong insidente.