LEGAZPI CITY — Sugatan ang isang miyembro ng pinaniniwalang New People’s Army (NPA) sa nangyaring engkwentro laban sa tropa ng pamahalaan sa Sitio Pino, Barangay Ban-ao, Placer, Masbate kaninang madaling araw.
Kinilala ang nasugatan na si Ernesto Pino alyas “Ka Bunso” na nanguna sa grupo.
Ayon sa Placer Municipal Police, magreresponde sana ang tropa katuwang ang 2nd Provincial Mobile Force Company ng Masbate Police Provincial Office sa isang report na may presensya ng armadong mga kalalakihan sa lugar.
Ngunit pagdating pa lamang ng tropa ay agad itong pinaputukan ng grupo ni Pino kung kaya gumanti rin ng putok ang mga pulis na tumagal ng halos 15 minuto.
Napag-alamang nasugutan si Pino ngunit nakatakas matapos ang bakbakan.
Narekober naman sa pinangyarihan ang isang backpack na laman ang isang caliber .357 revolver na may apat na live ammunition, 20 gamit na cartridge cases para sa caliber 5.56mm at iba pang gamit.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng checkpoint/chokepoint operations ng kalapit na istasyon ng pulis.
Nagbaba rin ng direktiba na i-check ang lahat ng ospital at clinic para sa posibleng pasyente na may tama ng bala ng baril.