-- Advertisements --

DAVAO CITY – Pinuri at kinilala ng Police Regional Office (PRO) XI si Police Corporal Joel Villegas dahil sa ipinakitang katapangan at kahandaan nito na ibuwis ang buhay para lamang magampanan ang kanyang sinumpaan.

Napag-alamang nitong Lunes ng umaga, personal na binisita ni PRO XI Regional Director Brig. General Marcelo Morales kasama si Davao City Police Office (DCPO) Director Col. Alexander Tagum si Villegas na kasalukuyang naka-confine sa Southern Philippines Medical Center.

Kinausap ni General Morales si Corporal Villegas kaugnay ng nangyari noon lamang Sabado sa Barangay Mahayag, Bunawan, Lungsod ng Dabaw kung saan iningkwentro nila ang dalawang mga wanted persons na naging dahilan upang magtamo ng tatlong tama ng bala sa katawan ang nasabing pulis.

Maliban sa medal for wounded PNP personnel na natanggap ni Villegas, pinoproseso na rin umano ng PRO eleven ang mga dokumento para sa promotion nito sa mas mataas na ranggo.

Kung maalala, napatay ng Bunawan Police ang wanted na suspek na si Baselio Monteroso Abrigoso na may pending warrant of arrest sa kasong homicide habang nahuli rin ang isa pang kasamahan nito.