GENERAL SANTOS CITY – Itinuturo na isang ISIS inspired group ang nangyaring kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu nitong Lunes.
Naniniwala si Maj. Gen. Edgardo de Leon, deputy chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ginawa ng suspek ang pagpapasabog sa takot na mahuli ng militar na dati pang pinaghahanap.
Aniya, ito raw ang grupo ng mga suicide bombers na target ng mga intelligence operatives subalit nakatakas matapos ang insidente noong nakaraang buwan.
Gayunman, hindi pa umano sigurado ang militar kung kagagawan ng mga suicide bombers ang insidente dahil nang pumutok ang unang bomba ay may paparating umano na babae sa kanilang direksyon.
Posible umanong nandoon na ang improvised explosive devise (IED) dahil tinamaan ang sundalo at namatay din pati ang hinihinalang suspek.
Dagdag pa ni Gen. De Leon, may pulis din daw na tinamaan sa pagsabog.
“Most likely ISIS inspired terrorist ‘yon pong may kagagawan nito. Kung matatandaan po natin ‘yon pong nangyaring insidente sa Jolo ‘yong intelligence ng Army ito po ‘yong kanilang sinusundan,” ani Gen. De Leon.