Patuloy umanong iniimbestigahan ng militar at PNP kung suicide bombing ang naganap na dalawang magkasunod na pagpapasabog sa harapan ng kampo ng First Brigade Combat Team na ikinamatay ng walong katao at ikinasugat ng ilan pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Western Mindanao Command (WesMinCom) spokesman Major Arvin Encinas na sa nasabing patay, tatlo rito ay mga sundalo na humarang at pumigil sa unang suspek na nagtangkang pumasok sa loob ng kampo.
Ayon kay Maj. Encinas, nagpupumilit ang nasabing suspek na makapasok sa kampo kaya hinarang ng mga sundalo dahil walang clearance at kahina-hinala ang kilos.
Nang kakapkapan sana ng mga sundalo ang suspek, dito nito pinasabog ang dalang improvised explosive device (IED).
Ang ikalawang suspek ay nagawang makalagpas sa mga guwardiyang sundalo at agad pinasabog ang dalawang IED kasunod ng naunang pagsabog.
Sa ikalawang pagsabog, 12 ang nasugatan.
Inihayag din ni Encinas na iniimbestigahan pa nila ang claim ng Islamic State (ISIS) na sila ang responsable sa pag-atake.
Samantala, itinanggi naman ni DILG Sec. Eduardo Año na may official statement na siyang nagsasabing ang mga suicide bombers sa military camp ay anak ng mag-asawang Indonesian na nagpasabog sa Jolo Cathedral noong nakaraang Enero.
Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo, sinabi ni Sec. Año na wala pa siyang inilalabas na official statement at patuloy pa ang ginagawang beripikasyon sa pagkakakilanlan ng mga suspek.
“That is not confirmed. Wala pa akong official statement na ganyan. We are still verifying the identities of the suspects,” ani Sec. Año sa Bombo Radyo.