Hanggang sa ngayon wala pa ring ebidensiya na makapagpapatunay na suicide bomber ang may kagagawan sa nangyaring pagsabog sa Mount Carmel Cathedral.
Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Inamin naman ng kalihim na base sa mga ebidensiya na naisumite sa kaniya ang unang pagsabog sa loob ng simbahan ay iniwan ng isang babae.
Pero sa pangalawang pagsabog posibleng suicide bomber ang nasa likod dahil na rin sa kalat na kalat na na parte ng katawan ang nakita.
Sinabi ni Lorenzana na may natanggap silang impormasyon na Yemeni couple ang umano’y suicide bomber.
“Marami kasing body parts dun nakita e merong mga paa doon mga part ng ulo tapos meron pang nakasabit doon sa may pader sa may fence. It appears to be a suicide bombing and I was also convinced immediately na baka suicide bombing yun ano,” pahayag ni Lorenzana.
Dagdag pa nito kapag may suicide bombing agad na kini claim ito ng isang grupo at sinabing itong tao ay nagpakamartir.
Bagamat inako ng ISIS sa kanilang website hindi nila binanggit na may indibidwal na nagpaka martir.
Ibinunyag pa nito na may nakita ang SOCO team na kalahati ang mukha na unidentified at hanggang sa ngayon wala pang nag claim.
Isasailalim ito sa DNA testing para mabatid kung babae o lalaki ito at kung ano ang nationality nito.
May natanggap kasing ulat si Lorenzana na ang suicide bombers ay mga banyaga dahil wala pa namang mga Pinoy ang naging suicide bomber.
Aminado ang kalihim na siya ay nababahala sa mga naiulat na suicide bombing dahil sakali pangalawang insidente na ito.
Una ang pagsabog sa Lamitan, Basilan nuong July 2018 kung saan isang Moroccan ang tinukoy na suicide bomber.
Sa ngayon nasa 40 na mga foreign terrorists ang mino monitor ng militar na nakakalat sa ibat ibang lugar sa central Mindanao, Basilan, at sa Jolo.