Nabili ng £731,000 o katumbas ng mahigit P46-milyon sa isang subastahan ang sulat-kamay na lyrics ni Paul McCartney para sa kanta ng The Beatles na “Hey Jude”.
Nakuha ng anonymous buyer ang item sa presyong anim na beses na mataas kumpara sa inisyal na estimate na £128,000 o nasa P8-milyon.
Isinulat ni McCartney ang 1968 hit matapos ang paghihiwalay ng kabanda nitong si John Lennon at kanyang unang asawa na si Cynthia, para patahanin ang anak nilang si Julian.
Ang lyrics sheet ay kasama sa mahigit 250 items na isinubasta sa ika-50 taon ng pagdi-disband ng The Beatles.
Tumabo ng £161,000 o mahigit P10-milyon ang bass drumhead na ginamit sa opening concert ng unang North American tour ng Liverpool band.
Habang ang “BAGISM” drawing nina Lennon at Yoko Ono, na tampok sa 1969 Bed In Peace documentary ng dalawa bilang bahagi ng kanilang protesta laban sa Vietnam War, ay naibenta sa £75,000 o halos P5-milyon.
Nakatipon naman ng £67,000 o P4.2-milyon ang isang script page para sa Hello, Goodbye music video ng The Beatles.