Mabigat na ebidensya ngayon ang sulat kamay ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio laban sa mga nanakit sa kaniya dahil lamang sa paggastos ng kalahati ng allowance para sa isang budget cycle.
Ayon kay Baguio City chief of police Colonel Allen Rae Co, nakadetalye doon ang mga naunang pananakit kay Dormitorio na hiwalay pang isyu sa pananakit sa kaniya dahil naman sa isyu ng nawalang combat shoes.
Sa liham ng kadete, tinukoy nito ang mga nanakit na sina Cadets Third Class Shalimar Imperial at Felix Lumbag Jr.
Nakalahad pa sa sulat na madalas siyang suntukin sa “rib part” kaya maraming beses siyang bumagsak sa sahig.
Bagama’t pinagbawalan umano ang mga upper classmen na lumapit sa baguhang kadete, nilabag umano ito ni Lumbag nang makailang ulit.
Ginawa ni Dormitorio ang liham, habang nananatili ito sa hospital confinement sa pagitan ng August 20 at 27, 2019.