-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Iginiit ni National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)-Cordillera regional director Atty. Ronald Calde na court order lamang ang puwedeng makapagpahinto sa kontrobersyal na Chico River Pump Irrigation Project sa Kalinga.

Ayon sa NCIP official, maaari namang magpila ang mga oposisyon ng temporary restraining order sa isang regular court.

Gayunman, maglalabas aniya sila ng isang sulat para sa posibleng temporary stoppage ng proyekto habang wala pang nailalabas na Certificate of Precondition (CP) ang en banc ng NCIP.

Ipinagtanggol niya ang proyekto sa pagsasabing may isinagawang Free, Prior and Informed Consent (FPIC) at may memorandum of agreement na napirmahan sa pagitan ng National Irrigation Administration (NIA) at ng mga Indigenous Cultural Communities/ Indigenous Peoples noong June 2018.

Aniya, hinihintay na lamang ang paglalabas sa nasabing CP.

Kung maaalala, ang FPIC ay ang karapatan ng mga indigenous peoples na ibigay o hindi ang kanilang pag-apruba sa isang proyekto na makakaapekto sa kanila o sa kanilang mga teritoryo.

Dagdag pa ni Atty. Calde na may nangyaring konsultasyon ngunit dapat hinintay ng mga implementor ang CP bago nila sinimulan ang proyekto.

Sinabi pa niya na ang nararanasang delay sa pagbigay ng nabanggit na certification ay dahil sa pagpirma ng individual contracts mula sa NIA.

Una nang inihayag ng Cordillera People’s Alliance na ang nangyaring konsultasyon ay hindi lehitimo at genuine lalo pa at walang CP bago ang pagsisimula ng proyekto.