Pinaplano ng Department of Agriculture (DA) na ilunsad ang tinatawag na sulit rice at nutri rice na ibebenta sa murang presyo sa 2025 bilang New Year offering sa mga Pilipino.
Sa pulong balitaan ngayong araw ng Sabado, ipinaliwanag ni Agriculture Assistant Secretary Genevieve Guevarra na ang nutri rice ay ang kulay brown na bigas na ibebenta sa presyong P38 kada kilo habang ang sulit rice naman ay puti subalit sobrang pino na ibebenta naman sa presyong P36 kada kilo.
Ang mga bagong varieties ng bigas ay karagdagan aniya sa P40 kada kilo na local at imported well-milled rice na kasalukuyang ibinibenta sa Kadiwa stores.
Samantala, pinaplano din ng DA na magbukas pa ng karagdagang Kadiwa kiosk sa malalaking public markets sa buong bansa gayundin sa Metro Rail Transit at Light Rail Transit stations.