-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nais ni Sultan Kudarat Governor Teng Mangudadatu na ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase sa elementarya at high school sa kanyang lalawigan.

Ang nasabing pahayag ay base sa ipinalabas nitong executive order kung saan nakasaad ang pagpapaliban sana ng pagbubukas ng klase ngayong school year 2020-2021 sa buong probinsya.

Ito ay dahil sa pinoproblema sa ngayon ng kanilang lalawigan ang internet connection at dahil pangamba para sa kalagayan ng mag-aaral at sa mga guro dahil sa nangyaring kaso ng isang namatay na guro dahil sa coronavirus disease na nakahawa sa maraming kasamahan nito.

Nagpadala rin umano ito ng isang resolusyon kay Pangulong Rodrigo Duterte na kanilang hinihiling na ipagpaliban muna ang distance learning ng Department of Education (DepEd).

Aniya, isang pagpupulong ang kanyang gagawin sa pamamagitan ng pag-imbita kay DepEd Regional Director Dr. Allan Farnazo.

Sa kabila ng nasabing apela, tuloy pa rin ngayong araw ang pagbubukas ng klase sa lalawigan at sa buong bansa.