KORONADAL CITY – Hinigpitan pa sa ngayon ng Sultan Kudarat Police Provincial Office ang pagbabantay at monitoring sa mga notoryos na gun runners sa probinsiya matapos na mapatay sa operasyon ang dalawang armado na iniuugnay sa pagbebenta mga illegal nab aril sa Mindanao.
Kinilala ni Police Major Jethro Doligas, hepe ng Lambayong Municipal Police Station, ang dalawang nasawi na sangkot sa gun running activities na sina Abdulaziz Bukakong na residente ng Barangay Kulambong Sultan sa Barongis Maguindanao del sur at Alimudin Tayan na residente ng Barangay Darumpua Sultan sa Barongis Maguindanao del sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Major Doligas, sinabi nito na isang pulis ang nagpanggap na buyer kung saan nakumpirma ang illegal na gawain ng mga suspek.
Sa halip na boluntaryong sumuko ay nauwi ang operasyon sa palitan ng putok sa Barangay Didtaras, Lambayong, Sultan Kudarat na ikinasawi ng dalawang armado.
Nabatid na si Bukakong alyas Sankali Mamasabulod ang umano’y kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Figther o BIFF samatalang si Tayan ay beniperipika pa kung totoong kasapi naman ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Narekober sa mga nasawi ang mga ibinibentang baril na kinabibilangan ng Caliber 50 Sniper rifle, homemade cal 7.62 sniper rifle, mga magazine at bala na inilagay sa sako.
Sa ngayon, mas nakaalerto ang pulis sa checkpoint lalo na at nagpapatuloy ang implementasyon ng comlec gun ban kaugnay sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Election.