Aminado si Defense Secretary Delfin Lorenzana na nag-level-up na ang “violent extremism” sa Pilipinas kasunod ng pambobomba sa kampo ng militar sa Indanan, Sulu, nitong nakalipas na Biyernes.
Ayon sa Defense chief, kumbinsido siya na “suicide bombing” ang insidente na kagagawan ng dalawang hindi pa nakikilalang terrorista.
Gayunman, hinihintay pa ang resulta ng DNA test sa labi ng mga “suicide bombers” para matiyak ang nasyonalidad ng mga ito sa kabila ng pag-ako ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa pambobomba.
Una nang inamin ni Western Mindanao Command (WestMinCom) commander M/Gen. Cirilito Sobejana sa Bombo Radyo, na bata ang isa sa dalawang bombers na sumalakay sa kampo ng 1st Brigade Combat Team.
Sinabi ni Lorenzana na kailangang maging mas mapagbantay ang mga security forces at mga mamamayan upang hindi na umabot sa Metro Manila o sa iba pang mga urban centers ang mga insidente ng “suicide bombing.”
Alam na rin aniya ng mga sundalo sa field ang kanilang dapat gawin para mapigilan ang ganitong uri ng terrorist attack.
Dagdag ng WesMinCom chief na makikipag-usap din ang militar sa mga tradisyunal na lider sa Mindanao tulad ng mga datu at sultan para mapigilan ang pa-kalat ng “radicalism” sa katimugan partikular sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.