Patay on the spot si Sulu police provincial director Col. Michael Bayawan matapos barilin ng kapwa pulis.
Batay sa spot report na inilabas ng PNP dito sa Camp Crame, dakong alas-4:20 kaninang hapon, August 6, 2021 nang barilin ang opisyal sa Quarantine Control Points (QCPs) sa Barangay Asturias, Jolo, Sulu.
Sinasabing isang Police Non-Commissioned Officer ang bumaril kay Bayawan na siyang naging sanhi ng agarang kamatayan nito.
Nakilala ang suspek na pulis na si S/Sgt Imran Jilah, 43-anyos, naka-assign sa 3rd MP, 2PMFC at residente ng Kasalamatan Village, Barangay San Raymundo, Jolo, Sulu.
Inaalam na rin sa ngayon ng PNP ang motibo sa pagpatay sa police colonel.
Nabatid na nagsasagawa ng inspection si Bayawan sa QCP ng bigla na lamang barilin ng suspek ang biktima.
Agad naman rumisponde ang security ng opisyal at binaril patay ang suspek na pulis.
Agad naman isinugod sa hospital ang biktimang si Col. Bayawan pero idiniklara itong dead on arrival.
Si Bayawan ang Provincial PNP Director ng Sulu nang mangyari ang tinaguriang Jolo misencounter na ikinasawi ng 4 na Sundalo na miyembro pala ng Intellegence Unit ng Militar.
Una nang nasibak sa puwesto si Bayawan dahil sa insidente subalit pinabalik din ito kalaunan matapos ang imbestigasyon kung saan, pinapanagot ang nasa siyam na tauhan nito.