-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Pinaghahandaan na ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang pagbabalik ng summer kids peace camp (SKPC) para sa mga batang Cotabateño.

Sa isinagawang pagpupulong sa Provincial Governor’s Cottage na pinangunahan ng Provincial Youth Development Division sa ilalim ng opisina ni Cotabato Governor Emmylou ‘Lala’ Taliño-Mendoza, napag-usapan na ang isasagawang SKPC 2023 ay gagawing mas interactive at akma sa kasalukuyang sitwasyon at pangangailangan ng mga batang kalahok.

Ang SKPC ay isa sa mga programang inumpisahan ni Governor Mendoza noong 2011 na naglalayong pagsama-samahin ang mga Grade 5 pupils mula sa mga pampublikong paaralan para sa tatlong araw na camping.

Binigyang diin naman ni SKPC Consultant at Matalam Vice Mayor Ralph Ryan Rafael na sa pagbuo ng bagong SKPC module kailangan magtulungan ang mga ahensyang kalahok sa nasabing programa upang mas maging epektibo at komprehensibo ang pagbibigay ng lectures at workshops sa mga batang kalahok.

Ang pagpupulong ay dinaluhan din nina Provincial Youth Development Officer Designate Nikko Adrian V. Perez, Cotabato Province Investment and Promotion Center (CPIPC) Head Norito Mazo, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Head Arleen Timson, mga kawani ng Philippine Army, Department of Education (DepEd), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Bureau of Fire Protection, Provincial Engineer’s Office (PEO) at mga mag-aaral na dating benepisyaryo ng programa.