BUTUAN CITY – Nangako ang Butuanong nakabenipisyo para makalaya na tatalima siya sa kahit na anumang desisyon ng pamahalaan matapos sumuko bilang pagsunod sa ibinigay na ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanila.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Terencio Funesto, na napalaya siya mula sa Davao Penal Colony (DAPECOL) matapos magpadala ng sulat kay Pangulong Duterte noong Oktubre 2018 na bigyan siya ng Christmas executive clemency.
Sinagot naman umano ito ng Pangulo at ini-refer ang kanyang hiling sa New Bilibid Prison kasama ang rekomendasyon ng Palasyo at ibinigay sa hepe ng Board of Pardon and Parole kung kaya’t kaagad na tiningnan ang kanyang records sa loob ng bilangguan.
Noong Hulyo 23 nang magpalabas ng release order ang BuCor at ibinigay sa kanya ang ninanais na kalayaan kinaumagahan.
Nilinaw din nito na hindi siya nadismaya sa nabulabog ngayong pagpapatupad ng sa kontrobersyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) law kahit na posible siyang maibalik sa kulungan sa kabila ng katotohanang nabigyan na siya ng executive clemency mula sa kanyang sentensyang reclusion perpetua dahil sa kasong kanyang kinasasangkutan.
Kaugnay nito nananawagan si Funesto sa iba pang mga gaya niyang napakawalan na dahil sa GCTA na sundin ang atas ni Pangulong Duterte para na rin sa kanilang kaligtasan.