BUTUAN CITY – Sumuko ang kinikilalang squad leader ng NPA guerilla kung saan isinabay nito ang pagturo sa lokasyon ng itinatagong high powered firearm na 5.56mm M4 carbine Bushmaster rifle sa bukiring bahagi ng Purok Bombels, Awisan, Tandag City, Surigao del Sur.
Isinabay ni alias Kakar, squad leader ng Platoon 1 SDG sa Guerilla Front 30, Northeastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) ang pagbabalik loob sa pamahalaan sa pamamagitan ng 7th Special Forces “Spartans” Company (7SFC), 3rd Special Forces “Arrowhead” Battalion.
Ang surrenderee ay nasa kustudiya ng 7SFC headquarters sa Mararag, Marihatag, Surigao del Sur para sa kaukulang custodial debriefing.
Ayon kay alias Kakar, 34, na-recruit siya ng isang Otillo Galagate, kasapi ng militia ng bayan sa Barangay Tina, San Miguel, sa nasabing probinsiya tatlong taon na ang nakaraan.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na si alias Kakar kasama ang iba pang bagong surrenderees ay ipapa-enrol sa Enhanced Local Integration Program (E-CLIP) kung saan maraming benipisyo ang matatanggap gaya ng livelihood assistance, reintegration programs, at firearms remuneration.
Napag-alaman na ang pamahalaang panlalawigan sa Surigao del Sur ay todo suporta sa programang “Whole-of-Nation Approach to End Local Communist Armed Conflict” ni Presidente Rodrigo Duterte.
Naniniwala ang LGUs sa lalawigan sa positibong resulta nito buong rehiyon ng CARAGA.
Kamakailan lamang itinalaga si SurSur Governor Alexander Pimentel bilang Regional Peace and Order Council Committee chairman.