CEBU CITY – “Masakit pero kailangan umanong tanggapin dahil naaayon sa batas.”
Ito ang pahayag ni Jesus Ranoco Negro Jr., ang isa sa mga preso na nakalaya dahil sa GCTA (Good Conduct Time Allowance) pero sumuko kahapon sa Bogo, Cebu Police Station, matapos bigyan ng 15 days ultimatum ni Presidente Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Negro, sinabi nito na noong una ay ayaw naman talaga niyang lumaya dahil takot siyang ma-salvage at balikan ng mga complainant pero wala siyang magagawa dahil ayaw na siyang pakainin sa loob ng bilangguan dahil malaya na umano siya.
Kuwento pa ni Negro, namangha siya nang makalabas ng kulungan dahil dumami na ang mga gusali at sasakyan.
Naging emosyonal naman ito nang magbigay ng mensahe sa pangulo.
Natutunan daw niya na hindi totoong hindi puwede mabago ang isang preso.
Kahit siya mismo na may kasong multiple murder ay nagbago dahil aniya sa Bureau of Corrections (BuCor) na siyang nagtuturo sa kanila.
Napag-alaman na naging guro ng high school si Negro sa loob ng Bilibid at dahil napatunayang nagbago na siya ay sinasabing isinailalim siya ng BuCor sa colony status para maging karapat-dapat sa GCTA.
Nasaktan din umano si Negro sa pag-aakalang totoong malaya na siya pero puwede pa rin pala raw bawiin.
Nanawagan din ito sa kanyang mga kasamahang nakalaya na sumuko na lang kung totoong nagbago na ang mga ito.