Hinikayat ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante ang publiko na maging alerto at manatiling sumunod sa mga health protocols sa gitna ng posibleng banta ng mas nakakahawang bagong COVID-19 variant na Omicron na unang na-detect sa South Africa.
Paliwanag ni Dr. Solante, marami na aniyang na-admit sa mga pagamutan dahil sa Delta variant na mataas ang transmissibility at nagkasakit ng severe.
Tinataya naman aniya na mas nakakahawa ang bagong variant kumpara sa Delta dahil sa dami ng mutation nito.
Sa ngayon, inatasan na ang Bureau of Quarantine na tuntunin ang mga travelers na nagmula sa mga bansa kung saan na-detect ang kaso ng Omicron variant na posibleng dumating sa bansa sa nakalipas na pitong araw bago ipatupad ang travel ban.
Dahil dito ang mga darating na travelers sa bansa ay required na sumailalim sa dalawang linggo na quarantine at mandatory RT-PCR test sa ikapitong araw.
Inabisuhan din ni Dr. Solante ang mga travelers hindi lamang ang mga magmumula sa South African countries na mag-report sa local authorities at magpasuri kung sila ay nakakaranas ng sintomas at sumailalim sa quarantine.