KORONADAL CITY – Dalawa ang binawian ng buhay kabilang na ang isang sundalo at sibilyan sa nangyaring pag-atake ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa Barangay Libutan, Mamasapano, Maguindanao del Sur.
Ito ang inihayag ni 601st Infantry Brigade Commander BGen. Oriel Pangcog sa Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Pangcog, nagpapatupad aniya ng seguridad sa naturang lugar ang dalawang mga sundalo pero biglang dumaan ang isang minivan at saka sila pinagbabaril.
Dahil sap ag-atake ng BIFF na nagresulta sa palitan ng putok, binawian ng buhay sa ospital si Private First Class Jorey Abibas na taga Libungan, North Cotabato habang nagpapagaling naman ang sugatang si Private First Class Jonathan Nacion na taga Pigcawayan, Cotabato.Ang dalawa ay kasapi ng 23rd Mechanized Company ng 2nd Mechanized Infantry Battalion.
Isa namang sibilyan ang nadamay sa pamamaril at binawian ng buhay na kinilalang si Asidza M Bayao na taga Brgy Libutan, Mamasapano.
Pinaniniwalaang grupo ni Tong Aban Amang, lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF na pamangkin ni Commander Boy Jacket ang nakaengkwentro ng mga suldado.
Sa ngayon magkatuwang ngayon ang PNP at army sa isinagawang hot pursuit operation laban sa mga suspek.
Malaki din ang paniniwala ni Gen. Pangcog na retaliatory attack ang ginawa ng BIFF kasunod ng pagkasawi ni Commander Jacket.