-- Advertisements --
TACLOBAN CITY – Patuloy na nagpapagamot ang isang sundalo sa Poblacion 1, Catubig, Northern Samar, matapos itong barilin.
Kinilala ang biktima na si Pvt Laurence Ladiente, 25-anyos na naka-assign sa 20th Infantry Battallion sa San Jorge, Samar.
Ayon kay P/Maj Manuel Castillo, hepe ng Catubig Municipal Police Station (MPS), sakay ng habal-habal ang biktima at papunta itong diversion sa bayan ng San Jorge.
Sa kalagitnaan ng biyahe nito ay bilang naihi ang biktima kaya huminto sa gilid ng kalsada.
Dito na siya biglang binaril ng hindi nakilalang suspek at tinamaan ng bala sa kaniyang kaliwang binti.
Nag-return fire naman ang biktima pero nakatakas ang mga suspek.
Sa ngayon ay inaalam pa ng Catubig MPS kung sino ang responsable sa insidente.